Naglabas ng executive order ang Punong Barangay ng Barangay Cobrador, Romblon nitong Sabado, February 01, kung saan nagbabawal pansamantala sa mga foreign tourist na pumunta ng kanilang isla dahil sa banta ng novel coronavirus (2019-nCoV).
Ayon sa Executive Order No. 25 na pinirmahan ni Punong Barangay Juan De la Cruz, pansamantala munang ititigil ang ‘tourism-related’ activities ng mga dayuhang turista sa Barangay simula ngayong araw hanggang sa bawiin ang nasabing kautusan.
Sa panayam kay Barangay Captain De la Cruz, kasama sa hindi nila papayang mamasyal sa isla ang luxury cruise ship na MS Silver Spirit na inaasahang dadating sa Romblon sa February 08.
“Hindi na muna namin sila papayagan na pumunta dito sa isla namin, ‘yung sabi sa amin ng Tourism Office, may 56 na turista, wag na muna sila pumunta dito,” ayon kay De la Cruz.
Paglilinaw ni De la Cruz, tanging mga dayuhang turista na galing sa ibang bansa ang hindi muna papayagan na bumisita sa isla pero ang mga local-Pinoy tourists ay tatanggapin parin ng kanilang barangay.
Ang Cobrador ay island barangay ng bayan ng Romblon, Romblon kung saan itinuturing na isa sa mga tourist destinations ng mga bumibisita sa Romblon dahil sa mala-boracay nitong buhangin at ganda.