Nagsagawa ng tatlong araw na ‘Negosyo Serbisyo Sa Barangay’ caravan ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa island municipality ng Banton kamakailan.
Layunin ng nasabing caravan na dalhin ang mga serbisyo ng DTI-Romblon sa mga malalayong lugar, lalo na sa mga bayan na minsan lang maabot ng mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay DTI-Romblon provincial director Noel Flores, nagbigay sila ng libreng assistance sa mobile business registration para sa mga negosyante sa isla at, nagsagawa ng business information and consumer advocacy caravan sa mga barangay.
Nag organisa rin ng libreng livelihood training ang ahensya para sa ilang residente sa isla katulad ng pagsasanay sa paggawa ng pamaypay na gawa sa kawayan, at paggawa ng pagkaing macaroons at coco jam. Ito ay nilahukan ng mahigit 200 residente mula sa mga barangay ng Mainit, Tan-ag, Tungonan, Togong, Banice, Balogo, Poblacion, Toctoc, at Togbongan.