Pinakukulong ng apat na buwan ng Sandiganbayan ang dating mayor ng Concepcion, Romblon dahil sa iligal umanong pag-appoint sa kanyang kamag-anak bilang kanyang private secretary.
Sa ulat ng Philippines Star, sinabi na naglabas ng 14-page decision noong February 07 ang Sandiganbayan, kung saan nakitang guilty sa paglabag sa Revised Penal Code si dating mayor Lemuel Cipriano.
Maliban sa apat na buwang pagkakabilanggo, pinagbabayad rin ng P1,000 na multa ang dating alkalde.
Ang nasabing kaso ay isinampa ng Office of the Ombudsman noong 2017 dahil umano sa iligal na pag-appoint ni Cipriano kay Diosdado Atillano bilang isang administrative officer at private secretary noong August 2013.
Sinabi ng Ombudsman na na-appoint parin si Atillano kahit hindi pa ito pwedeng humawak ng pwesto sa gobyerno dahil tumakbo at natalo si Atillano noong May 2013 elections.
Batay sa Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, ipinagbabawal ang paghirang ng isang natalong kandidato sa anumang mga tanggapan ng gobyerno, kasama ang mga korporasyon na pag-aari ng gobyerno o mga nakontrol na korporasyon o kanilang mga subsidiary.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na ang posisyon na ibinigay kay Atillano ay kumpidensyal at co-terminus sa termino ni Cipriano bilang alkalde, at ang ganito ay iligal sa Local Government Code.