Muling ipinaalala ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, na mahigpit na ipinagbabawal sa bayan ng Odiongan ang mga iligal na sugal katulad ng loteng, jueteng, at walang permit na patopada.
Sa ginanap na press conference sa Odiongan Municipal Police Station nitong hapon ng Valentines’ Day, hiniling ni Fernandez sa publiko na agad na makipag-ugnayan sa kanilang opisina kung sakaling may makitang iligal na sugal.
“Sa kasalukuyan, may direktiba tayo sa lahat ng operatiba ng Odiongan MPS, particullarly sa nasa intelligence section, ‘to intesify the monitoring and coordination to all stakeholders, including barangay and local offifcials, to support the campaign against illegal gambling’,” ayon sa pahayag ni Fernandez.
“Asahan po namin ang inyong suporta at kooperasyon, at sama-sama po tayo na panatalihin po natin na ang bayan ng Odiongan po ay free sa any form of illegal gambling activity,” dagdag ni Captain Fernandez.
Siniguro rin ni Captain Fernandez na ang lahat ng tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ay hindi magpapabayad o tatanggap ng suhol galing sa iligal na sugal, alinsunod ito sa kautusan nina PNP chief Archie Francisco Gamboa, Mimaropa Regional director Gen. Nicerio Obaob, at Romblon Police Provincial Office Director Col. Arvin Molina.
Sa kasalukuyan, wala naman umanong nababalitaang iligal na pasugal sa bayan ang Odiongan Municipal Police Station pero kung sakaling may makita o marining, maaring mag sumbong ang publiko sa mga numerong 09272740023 o sa 09985985891.