Sakay ng isang chartered plane, ibiyinahe na ngayong umaga mula Romblon Airport patungong Manila ang apat na Chinese tourist na pansamantalang nanatili sa isolation room ng San Andres District Hospital sa San Andres, Romblon, bilang bahagi ng 14-days quarantine period na pinatutupad ng probinsya sa mga bisitang galing China.
Ayon kay Governor Jose Riano, bandang alas-10 ng umaga kanina ng ibiyahe ang mga turista.
Bago sila umalis siniguro muna ng Provincial Health Office at ng Department of Health – Romblon na walang nararamdamang sakit ang apat at walang ipinapakitang sintomas ng new coronavirus o ang 2019-nCoV.
Kasunod ng pagalis ng apat sa San Andres District Hospital, agad na ipinagutos ni Governor Riano na linisin o i-sanitize ang buong ospital para siguradong ligtas bago muling tumanggap ng mga pasyente.
Matatandaang pansamantalang itinigil ng San Andres District Hospital ang pagtanggap ng mga bisita matapos mapagdesisyunan ng novel coronavirus special committee na isara ang ospital sa publiko habang may mga pasyenteng binabantayan dahil sa 2019-nCoV.
Hindi pa inaanunsyo ng pamunuan ng San Andres District Hospital kung kailan sila muling tatanggap ng pasyente.