Nakatanggap na ng social pension mula sa Department of Social Welfare and Development – Mimaropa ang third batch ng mga senior citizen sa Odiongan, Romblon na hindi nabigyan ng pension noong nakaraang taon.
Ayon sa hepe ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng bayan na si Edwin Gan, may aabot sa 861 na matatanda ang nakatanggap ng P6,000 na social pension nitong ika-21 at 22 ng Pebrero.
Dagdag ni Gan, sa mahigit 3,900 na bilang ng mga pensioners sa bayan ng Odiongan, mahigit 2,500 na ang nabigyan ng social pension para sa taong 2019.
Hinati sa dalawang cluster ang pay out noong Biyernes. Isang cluster ang binuo sa Libertad Covered Court kung saan nagpunta ang mga senior citizen ng Barangay Panique, Libertad, Tuburan at Tumingad. Ang pangalawang cluster naman ay nagtipon sa Odiongan Covered Court kung saan nagpunta ang mga senior citizens na ibang barangay.
Maalalang ang unang batch ng social pension pay out ay naganap noong Hulyo ng nakaraang taon at sinundan naman ng pangalawang batch bago matapos ang taon.
Paliwanag ni Gan, natagalan ang pag-release ng pera dahil sa ginawang validation ng DSWD-Mimaropa sa mga senior citizen kung saan tinanggal sa kanilang listahan ang mga yumao na at gayundin ang mga senior citizen na tumatanggap ng pension mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).
Sa ngayon, inaayos na rin umano ng DSWD-Mimaropa ang listahan ng mga kasama sa ika-apat na batch ng mga mabibigyan.