Dinala na ng San Andres District Hospital ang apat na Chinese nationals na binabantayan ng Provincial Health Office at ng Department of Health, para doon bantayan sa loob ng siyam na araw kung magpapakita ba sila ng sintomas ng 2019 Novel coronavirus (2019-nCoV).
Kinumpirma ang nasabing balita sa Romblon News Network ni San Andres mayor Arsenio Gadon.
Ayon kay Gadon, dinala ang mga pasyente sa ospital mula sa isang resort sa Barangay Agpudlos matapos silang lumipat doon mula sa nauna nilang tinuluyang resort sa katabing bayan ng Calatrava.
Nagsagawa rin umano ng pagpupulong kaninang hapon sa San Andres District Hospital ang lahat ng health officials ng lalawigan at napagkasunduang babantayan ang mga nabanggit na pasyente sa loob ng hospital hanggang February 09.
Dahil dito, lahat ng pasyente na kasalukuyang naka-admit sa ospital ay pinauwi na, at hindi na rin muna umano tatanggap ng mga bagong pasyente ang ospital.
Sinabi rin ng alkalde na ang mga residente ng San Andres na gusto magpa-checkup ay maaring dumiretso sa kanilang Rural Health Unit o di kaya ay sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.
Nauna ng sinabi ni Dra. Ederlina Aguirre, hepe ng Provincial Health Office, na healthy naman umano ang apat at walang nararamdamang anumang sakit.
Ang mga turistang Tsino ay dumating ng Ninoy Aquino International Airport mula China noong January 27, at dumiretso ng Lucena, bago sumakay ng barko patungong Marinduque, at Tablas Island, Romblon.