Maraming kurimaw natin ang nagtaas ng kilay sa ginawang pag-estima ng Philippine Coast Guard na parang bisita sa fiesta ang Chinese Coast Guard nang magpunta ang mga ito sa bansa para sa “goodwill” visit.
Si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na kilalang nagsusulong na mapaalis ang mga Tsino sa West Philippines Sea, hindi lang yata kilay ang tumaas kung hindi pati presyon ng dugo dahil sa ginawa ng PCG. Puna niya kasi, habang pinapalakad ng pamunuan ng PCG ang mga pinuno ng CCG sa pulang carpet dito sa Pilipinas, ang mga barko naman ng CCG eh patuloy ang pagligid-ligid na parang mga pating sa mga sundalo nating nagbabantay sa Ayungil Shoal.
Ang mga sundalo natin sa Ayungin eh nakabase o nagkukuta lang sa bulok at nakasadsad na barkong pandigma. Sila yung mga sundalo na pinapadalhan ng mga pagkain at tubig doon, at nagpapalit-palitan ng pagbabantay.
Ang kaso, ilang beses nang napabalita na hinaharang ng mga barko ng CCG ang mga tropa natin na magpapadala ng supply sa mga sundalo sa Ayungil. Parang nakikipag-patentero sa CCG ang bago ng sundalong Pinoy na nagdadala ng supply sa Ayungil. Kapag nakalusot sila sa mahigpit na bantay, magkakaroon ng pagkain at tubig, at mapapalitan ang mga sundalong nasa bulok na barko. Pero kapag hindi naman nakalusot dahil mala-Jawo ang pagbabantay ng CCG, better luck next time ang eksena.
Ang sabi naman ng PCG, walang isyu daw sa ginawa nilang pag-welcome sa CCG. Katunayan, welcome din naman daw ang PCG na magpunta sa China. Hirit ng isa nating kurimaw na gustong maging marino, dalawa lang daw ang puwedeng isipin diyan: baka raw parte na rin ng CCG ang PCG, o baka mag-BFF na talaga ang dalawa at magiging parang dumadaan na sa expressway ang pagdadala ng supply sa Ayungil Shoal.
Pero kung patuloy pa rin daw na parang manliligaw na patagong umaakyat ng bahay ang PCG natin sa pagpunta sa Ayungil, aba’y charot na echos namag- BFF ang PCG at CCG. At sabi nga ni Carpio, sa ginawa ng PCG, parang maling mensahe ang ipinaparating ng bansa na ok lang na barakuhin at maliitin ng CCG ang mga mangingisda natin at mga sundalo sa WPS.
Bagaman nakalusot na sa Pilipinas ang CCG, ang huwag na huwag sanang makalusot at makapasok sa bansa natin ay ang mga dayuhan [lalo na ang mga Chinese] na may dalang bago pausong virus ng China na mula sa lungsod ng Wuhan. Aba’y dalawa na pala ang nadedo sa virus na ito at nakarating na rin sa Japan (isang kaso) at Thailand (dalawa).
Hanggang ngayon eh hindi pa batid kung ano ang bagong virus na ito na sinasabing nanggaling sa isang palengke sa Wuhan pero may pagkakahawig daw ito sa pamilya ng virus ng kinatakutan noon na SARS (Severe Acute Respiratory Syndrome)– na galing din sa China.
Baka kasi masyadong nakatuon ang atensyon natin sa pagputok ng bulkang Taal at makalimutan natin na dapat higpitan ang pagbabantay sa mga Chinese na dumarating mula sa China.
Lalo pang dapat mag-ingat sa misteryosong virus na ito dahil nga dalawa na ang namatay sa China. Batay sa lumalabas na mga ulat, matatanda ang tinamaan ng virus sa Japan at Thailand, gayundin ang dalawang namatay. Pero hindi malinaw kung dinadapuan din ng virus ang mga mas bata. At kahit pa sinasabi raw ng China na kakaunti lang ang tinamaan ng virus at minomonitor nila, may mga eksperto na naniniwala na aabot ito sa isang libo.
Hindi rin daw dapat maging kampante na hindi naipapasa ang virus ng tao sa tao dahil may mga pasyente na nagkaroon ng virus kahit hindi sila nagpunta sa palengke na pinaniniwalaang pinagmulan ng virus. Kung ganoon ang kuwento, ang malaking tanong–paano sila nagkaroon ng virus?
Tandaan natin na nang magkaroon ng SARS noong 2002, kumalat ito sa 37 bansa at nakahawa ng mahigit 8,000 katao, at may 800 namatay. Kaya hanggat hindi pa malinaw kung ano ang bagong virus na pinapauso ng China, aba’y umeport naman sana ang mga kinauukulan na pag-ibayuhin ang pagbabantay sa mga dumarating sa Pilipinas at baka magaya naman ‘yan sa African Swine Flu na nakapasok at kumalat sa bansa.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)