(Updated: February 01, 2020) Matapos ang pag-anunsyo ng Department of Health na may naitala na silang unang kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) sa bansa, ilang taga-Romblon ang agad na bumili ng mga face mask bilang paghahanda sa nasabing sakit, kaya ang mga supply ng face mask sa mga malalaking drug store sa Romblon, ubos na.
Sa mga tindahan na napagtanungan ng Romblon News Network sa Calatrava, Odiongan, at Romblon, lahat sila ay wala ng supply ng face masks simula pa noong nakaraang linggo dahil sa biglang pagtaas ng demand ng mga masks sa lalawigan.
“Simula pa noong pumutok ang bulkang Taal, tumaas na ang demand, hanggang last week kung saan naman may balita na may turistang galing China na nakitaan ng sintomas ng coronavirus paglapag nito sa Aklan,” ayon sa isang tindera sa drug store.
Kahit ang mga N-95 mask, isang uri ng makapal na masks na hindi mapapasukan ng usok o alikabok ang loob, ay nagkaubusan na rin.
Paliwanag ng ilang may-ari ng drug store, mahirap umano maghanap ng supply sa Manila dahil mas mataas ang demand sa Luzon ng mga regular at N-95 face masks.
Samantala, sinisiguro naman ng Department of Health – Mimaropa na wala pang naitatalang kaso ng novel coronavirus sa rehiyon.novel coronavirus sa rehiyon.