Kahit ang mga taga-Romblon na malayo sa Batangas, apektado rin ng pagputok ng bulkang Taal sa Batangas.
Ang mga isda kasi kagaya ng bangus at tilapia na inaangkat ng lalawigan ng Romblon sa Batangas ay naapektuhan rin pagputok ng bulkan kaya ang mga tindera sa Odiongan Public Market, nangangamba sa epekto nito sa kanilang negosyo.
Ayon kay Editha Fos, tindera ng isda sa palengke, wala na umano silang makunan ng bangus at tilapia sa Talisay, Batangas kaya ang kanilang stock at ibinebenta sa palengke ay paubos na ngayon.
“Apektado talaga, dahil pumutok ang bulkan eh. Eh di kung ano ang meron muna jan, wala munang bangus at tilapia,” ayon kay Fos.
Sa ngayon, pinauubos nalang umano nila ang kanilang stock ng bangus at tilapia sa Odiongan Public Market bago maghanap ng bagong pagkukunan.
Ayon naman sa opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Romblon, posibleng sa Dagupan muna mag-aangkat ng supply ng isda ang lalawigan kagaya ng bangus at tilapia dahil sa pagputok ng bulkan.
“‘Yung supply, malaking epekto, tulad ng Odiongan malaki ang kinukuha natin sa Taal lalo yung Bangus at Tilapia, lalo pag may bagyo. Siguro mag divert muna tayo sa Dagupan pansamantala habang walang production itong Taal lake,” ayon kay Luisito Manes.
Sinabi naman ni Manes na hindi maapektuhan ang production ng wildcatch na mga isda sa probinsya dahil malayo umano tayo sa Batangas.