Posibleng magtaas ng P10 kada kilo ang presyo ng mga gulay sa Odiongan Public Market dahil sa naganap na tigil-biyahe ng mga truckers nitong Huwebes bilang welga ng huli sa PPA Administrative Order 05-2019 kung saan nagbabawal sa isang truck na maisakay sa RORO (Roll-on/roll-off) kung ito ay overloaded.
Ayon sa nakausap ng Romblon News Network na tindera ng gulay sa palengke, wala umanong bumiyaheng truck na may kargang gulay mula Manila nitong semanang ito kaya naghanap ng alternatibong paraan ang mga traders ng gulay para magkaroon ng supply parin sa Odiongan Public Market.
“May dadating kaming gulay sa susunod na mga araw pero ito ay drop-off lang sa pier, sa Batangas kami kumuha pero galing parin ng Metro Manila yan, may dagdag lang sa presyo ng gulay,” ayon sa isang tindera na nakausap ng RNN na ayaw magpabanggit ng pangalan.
“SIguro kung magtataas kami hanggang P10 kada kilo, pero titingnan pa namin kung magkano talaga magagastos namin sa shipping ng gulay. Pero balik kami sa original [price] kapag, naayos na ang biyahe ng mga trucking,” dagdag nito.
Nitong Biyernes, balik na sa biyahe ang mga trucking matapos payagan na sila ng Philippine Ports Authority (PPA) na sumakay ng barko kahit lagpas sa minimum gross weight ang kanyang timbang, ngunit posibleng Huwebes or Biyernes pa dadating ang truck na may kargang supply ng gulay.