Isang patay na green sea turtle ang natagpuan ng mga residente ng Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan, Romblon sa kanilang dalampasigan nitong umaga ng January 11.
Meron itong malaking hiwa sa kanyang shell na ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Romblon ay posibleng sanhi ng pagkakatama nito sa propeller ng isang barko.
Ayon kay Engr. Raymund Inocencio ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Romblon, ang natagpuang patay na pawikan ay may mahigit isang metro ang lapad at tinatayang mahigit 70 taon na ang tanda.
Posible umanong tinamaan ang likod nito ng propeller habang naghahanap ng pagkain sa dagat, at pagkatapos ay inanod ng alon patungo sa baybayin ng nabanggit na Barangay.
“Sa laki ng hiwa sa likod ng pawikan, imposibleng mabuhay pa siya. Nawasak halos yung lamang loob ng pawikan,” ayon kay Inocencio.
Sa pagsisiyasat sa nakaraang datus ng DENR-Romblon, August 2014 nang unang makita ng mga tauhan ng DENR base sa metal tag na nakakabit sa kanyang palikpik.
Inilibing rin agad sa dalampasigan ang pawikan matapos na suriin ng mga otoridad.