Nag-rally ngayong araw, January 16, sa harap ng opisina ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Odiongan, Romblon ang mga miyembro ng D’ Romblomanon’s Driver-Truckers Association matapos na ipatupad ng PPA ang kanilang ‘overloading, no boarding policy’ ngayong unang buwan ng 2020.
Ayon sa presidente nitong si Nolencio Ferie-ra, hindi umano nila kaya ang mga nakasaad sa PPA Administrative Order 05-2019 kung saan nagbabawal sa isang truck na maisakay sa RORO (Roll-on/roll-off) kung ito ay overloaded.
“Hindi talaga namin kaya, walang kikitain ‘yung mga operator namin kung ibabase nila sa minimum na [nakasulat] sa [LTO] OR/CR.,” pahayag ni Feri-era.
Kasabay ng nasabing welga, ay ang tigil biyahe ng mga truckers na nagsimula ngayong araw at magtatagal hangga’t hindi pa naayos ng PPA ang nasabing problema.
Dahil dito, apektado ang pag-angkat ng mga produkto galing Luzon patungong probinsya ng Romblon kagaya ng pagbiyahe ng mga construction materials, pagkain katulad ng mga bigas, gulay, at iba pang processed products; at iba mga goods katulad ng pagkain ng baboy, at manok.
Pinaliwanag ng grupo, noon na pinapayagan silang magsakay ng 30tons na cargo ay kumikita sila ng P30,000 kada biyahe dahil P1/kilo ang singil nila sa nagpapadala ng cargo, ibabawas pa sa P30,000 ang mahigit P22,000 na gastos para sa barko, gasulina, at terminal/toll fee.
Kung susundin ang PPA Administrative Order 05-2019, makakapagsakay nalang umano sila ng 13tons na cargo at kikita ng P13,000 kada biyahe. Kulang pa umano ito pambayad sa barko, gasulina, terminal at toll fee.
“Sana po, maaksyunan na ito kung sino man ang tumulong sa problema na ito, dahil unang-una maantala ang pagdala ng goods natin dito sa Odiongan. Kahit saang pier po, apektado,” dagdag ni Ferie-ra.
Humiling rin sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng solusyon ang nasabing problema.
Samantala, sinabi ng pamunuan ng PPA-Odiongan, Romblon na makikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng PPA-Batangas kaugnay sa nasabing issue.