Matapos ang isang araw na strike, balik na sa biyahe ang mga trucking services sa probinsya ng Romblon matapos payagan na sila ng Philippine Ports Authority (PPA) na sumakay ng barko kahit lagpas sa minimum gross weight ang kanyang timbang.
Ayon sa D’ Romblomanon’s Driver-Truckers Association, pinayagan na ang kanilang mga 10-wheeler truck na stranded sa Batangas Port na sumakay ng barko patungong Odiongan, Romblon basta makakapagbigay lang ng waiver na tinatanggal ang pananagutan ng PPA kung sakaling maaksidente ang truck.
Maalalang nag-welga nitong Huwebes, January 16, ang mga truck driver at operator sa Romblon dahil sa pagpapatupad sa PPA Administrative Order 05-2019 kung saan nagbabawal sa isang truck na maisakay sa RORO (Roll-on/roll-off) kung ito ay overloaded.
“Hindi talaga namin kaya, walang kikitain ‘yung mga operator namin kung ibabase nila sa minimum na [nakasulat] sa [LTO] OR/CR.,” pahayag ni Nolencio Ferie-ra, presidente ng asosasyon noong Huwebes.
Pinaliwanag ng grupo, noon na pinapayagan silang magsakay ng 30tons na cargo ay kumikita sila ng P30,000 kada biyahe dahil P1/kilo ang singil nila sa nagpapadala ng cargo, ibabawas pa sa P30,000 ang mahigit P22,000 na gastos para sa barko, gasulina, at terminal/toll fee.
Kung susundin ang PPA Administrative Order 05-2019, makakapagsakay nalang umano sila ng 13tons na cargo at kikita ng P13,000 kada biyahe. Kulang pa umano ito pambayad sa barko, gasulina, terminal at toll fee.
Kahit pinayagan na sila bumiyahe, tuloy parin umano ang pakikipaglaban ng grupo na mabigyan ng permanenteng solusyon ang nasabing hinaing.