Usap-usapan sa bayan ng Looc ang di umano’y pagkabuhay ng isang matanda kahit ito ay tumigil na sa kanyang paghinga.
Ayon sa kwento ng asawa ni Lola Denia Candido sa Romblon News Network, naka-confine sa ISIAH Hospital and Medical Center ang kanyang asawa na 78 taong gulang dahil sa hika at katandaan.
Nitong Linggo, habang bibigyan umano ng gamot ng isa sa mga nurse ng ospital ang kanyang asawa, nagtaka ang kanyang mga kamag-anak dahil tumigil na sa paghinga ang matanda.
“Ako at ang unga ko na dalaga, kaming bantay, duha kami, nagsulod ang nurse para magbigay ng gamot [kay Lola Denia] pero wa run gahulag. Kaya nagtangis ang unga ko, patay run bay. Ang nurse na magpadapa ng gamot, nagbulig nalamang magtangis, hay pag-abot nang 15 minutos, nagbugtaw tana,” ayon sa asawa.
Ngunit sa hinala ng pamilya ni Lola Denia mahigit 15 minutos na itong hindi humihingi sa pagaakala nilang natutulog lang ang matanda.
Katunayan umano, habang inaakala nilang patay na ang matanda, humiling na ang asawa ni Lola Denia na kung maari ay ihatid sila ng ambulansya pabalik ng Looc para dito ibalsamo, ngunit hindi na umano natuloy dahil bigla umanong dumilat ang matanda.
Matapos ang nasabing insidente, humiling umano ang pamilya ni Lola Denia sa pamununan ng ospital na iuwi nalamang si Lola sa kanilang bahay sa Barangay Limon sur.
Sa ngayon, buhay na buhay si Lola Denia sa kanyang bahay ngunit mahina na ito dahil sa katandaan.
Pagsisiguro ng asawa ni Lola Denia sa RNN, kahit umano nakauwi na sila sa kanilang bahay ay patuloy parin ang gamutan sa kanyang asawa.
Sinubukang kunan ng pahayag ng RNN ang ospital kung saan na-confine ang matanda ngunit tumanggi muna silang magbigay ng pahayag habang hinahanap pa nila ang medical record ni Lola Denia.