Kinumpirma ng pamunuan ng Romblon Provincial Hospital (RPH) na walang supply sa kanilang pharmacy ng gamot para sa mga may sakit na epilepsy, kasunod ito ng napapabalitang pagkamatay ng ilang pasyenteng may epilepsy sa lalawigan sa Romblon matapos magka-seizure.
Ayon kay Chief Administrator Lelani Mariño ng makapanayam nitong Biyernes, nagpadala na sila ng request sa kanilang supplier para supplyan ng phenobarbital ang pharmacy ng RPH ngunit hanggang ngayon ay wala umanong naibibigay ang supplier nito.
“Ang nangyari po talaga, ‘yung supplier na kinukunan namin ng regulated drugs ay walang isinasama na phenobarbital sa dinadala rito. Hindi po namin alam ang rason ng supplier kung bakit hanggang ngayon wala silang dinadala sa amin,” ayon kay Mariño.
Aniya, sa buong lalawigan ng Romblon, tanging ang RPH lamang ang pinapayagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maglabas ng phenobarbital sa mga pasyente dahil isa itong regulated drug at mahirap hanapin sa market.
Ngunit itinanggi ni Mariño na ang mortality rate na napabalita ay galing sa RPH, kundi ito umano ay mga out-patient na posibleng walang mabilhan ng phenobarbital kaya pagtinamaan ng seizure ay walang mainum na gamot.
Sa pagtaya ng Provincial Social Welfare and Development Office, may aabot sa halos 100 pasyente na may epilepsy ang kanilang binibigyan ng gamot bilang programa ng kanilang opisina ngunit wala umano silang maibigay sa ngayon dahil walang supply ang RPH na nag-iisang facility sa lalawigan na may lisensya para magbenta ng regulated drugs.
Konklusyon ni Mariño, ginagawa naman umano ng pamunuan ng RPH ang lahat ng paraan para magkaroon ng supply ng nasabing gamot sa ospital.