Hiniling ni Association of Barangay Councils (ABC) President Juvy Faderogaya sa konseho ng bayan ng Odiongan na agarang magpatawag ng emergency committee meeting upang talakayin ang kahandaan ng bayan ng Odiongan kung sakaling pumasok ang 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV) sa Pilipinas.
Nangyari ito sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Odiongan nitong Martes, January 28.
Ayon kay ABC Faderogaya, malaking usapin umano ang bagong type ng coronavirus at dapat ngayon palang umano ay may plano na ang bayan kaugnay sa nasabing sakit.
Inaprubahan naman ng konseho ang mosyon ni Faderogaya at naatasan si Committee on Health chairman SB Giselle Fainsan na agarang magsagawa ng pagpupulong kaugnay sa nasabing sakit.
Sa ngayon, sinabi ng Department of Health na wala pa naman umanong naitatalang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa bansa sa kabila ng pagrami ng mga binabantayang mga pasyenteng nagpakita ng sintomas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.