Bilang paraan para makaiwas sa 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV), naglatag na ng karagdagang precautionary measures ang pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Romblon Airport sa Tablas Island, Romblon nitong Linggo, January 26.
Ayon kay Nonie Lucidos-Largueza, Manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) – Romblon, pinagsuot na nila ng facemasks ang kanilang mga tauhan sa paliparan at naglagay na rin ng hand sanitizer corner para sa mga pasaherong paalis at palabas ng probinsya.
Maliban rito, humiling na rin umano ang pamunuan ng CAAP-Romblon sa Rural Health Unit ng Alcantara na maglagay ng nurse sa paliparan para magbantay sa mga pasaherong makikitaan ng sintomas ng 2019-nCoV at makapagsagawa ng information dessimination sa lugar patungkol sa nasabing sakit.
Humiling rin si Largueza sa pamunuan ng Alcantara Disaster Risk Reduction and Management Council na magbigay ng libreng facemasks sa mga pasaherong dadaan sa paliparan ng lalawigan.
Sa ngayon, wala pa namang naitatalang may kasong 2019-nCoV sa bansa ayon sa Department of Health.