Hindi dapat pinaglalaruan ang mga starfish na tahimik na namumuhay sa dagat, ayon ito sa isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Romblon kasunod ng viral video ng mga turistang Tsino kung saan nakita silang itinatapon ang ilang starfish mula sa dagat papuntang dalampasigan sa Carabao Island, Romblon.
Ayon kay OIC-Provincial Fishery Officer Luisito Manes, posibleng maging dahilan ng stress ang pag-angat sa kanila sa tubig.
“Naturally ‘yung starfish ay humihinga yan sa ilalim ng dagat at ‘yung mga disolve oxygen ang ginagamit nila sa paghinga kaya kapag inangat mo iyan sa dagat at na-expose sa fresh air, parang lason sa kanila ‘yun kasi hindi ‘yun yung natural na hinihinga nila,” ayon kay Manes ng makapanayam ng Philippine Information Agency – Romblon.
“Iyong paghawak palang ng tao sa starfish kasi, normally yung mga kamay ng tao may mga bacteria, tapos ‘yung starfish ay sensetive creature maaring ma infect sila at mamatay pagtumagal, kaya hindi advisable na iangat yan mula sa tubig,” dagdag ni Manes.
Sinabi rin ni Manes na malalambot ang tissues ng starfish kaya ang pagtapon sa kanila papuntang dalampasigan ay malaki ang epekto sa kanila.
Panawagan naman ni Manes sa publiko, irespeto umano ang mga wildlife underwater dahil malaking aspeto sila sa pagbalanse ng aquatic ecosystem.
Imbestigasyon sa viral video
Samantala, planong imbestigahan ng Romblon Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO) ang nakunang viral video dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Protection and Conservation Act ang mga sangkot rito.
Batay kasi sa RA 9147, sinumang tao na makakapinsala o pipigil sa pagdami ng kahit anong wildlife species ay magmumulta ng P30,000 to P300,000.