Binabantayan ngayon ng Provincial Health Office (PHO) at ng Department of Health – Romblon (DOH-Romblon) ang apat na Chinese tourist mula sa Shiyan, Hubei Province, China na dumating sa lalawigan ng Romblon nitong umaga ng Biyernes, January 31, dahil sa banta ng 2019 Novel coronavirus (2019 NCoV) sa bansa.
Ang mga turistang Tsino ay dumating ng Ninoy Aquino International Airport mula China noong January 27, at dumiretso ng Lucena, bago sumakay ng barko patungong Marinduque, at Tablas Island, Romblon.
Ayon kay Dra. Ederlina Aguirre, hepe ng Provincial Health Office, healthy naman umano ang apat at walang nararamdamang anumang sakit.
“Okay naman sila, walang may lagnat, walang may headache, walang may sipon, at walang may-ubo. In-fact naligo pa nga sila kanina sa dagat doon sa resort,” ayon kay Dra. Aguirre ng makausap ng Romblon News Network.
Hindi rin umano itinuturing na ‘Person Under Investigation’ ang apat ngunit patuloy parin ang gagawing monitoring sa kanila ng DOH-Romblon at PHO hanggang sa makaalis sila ng lalawigan.
Pinayuhan rin ang apat na dumiretso agad sa hospital kung sakaling makaramdam ng sintomas ng 2019 novel coronavirus habang nasa lalawigan.
Kasalukuyan nakatuloy ang apat sa isang resort sa Calatrava, kung saan sila binabantayan ng mga otoridad.