Nasamid sa katatawa ang marami nating kurimaw nang malaman na tumanggap ng award ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na pinamumunuan nitong si Speaker Alan Cayetano bilang “Best SEA Games Organizer” kuno.
Bakit ba naman hindi matatawa ang mga kurimaw natin na todo cheer sa mga Pinoy athlete na sumasabak sa SEA Games, eh parang lutong-makaw daw ang nakuhang award ng Phisgoc mula sa tinatawag na Sports Industry Awards (SPIA) Asia.
Sa dami ng kapalpakan ng Phisgoc sa preperasyon ng palaro at pagdududa kung papaano nila ginastos ang bilyong-bilyong pondo, aba’y kailangan talaga nilang gumawa ng pakulo para magpapogi. Kahit naging maayos ang opening ceremony ng SEA Games, marami pa rin ang nadismaya sa ilang aberya tulad ng pagsisindi sa milyones na halagang cauldron o “kawali.”
Taliwas kasi sa ipinagmamalaki noon na “live” ang pagsisindi na magiging“spectacular” kuno, aba’y pre-taped pala ang ginawa nila. Kaya marami tayong mga kababayan na parang nabudol-budol o na-fake news dahil nagpunta pa sila sa New Clark City sa Tarlac kahit malayong lugar ang kanilang pinanggalingan sa pag-aakalang “live” nilang mapapanod ang pagsisindi ng cauldron.
At dahil tiyak na magkakaroon ng imbestigasyon sa kung papaano ginastos ng Phisgoc ang bilyong-bilyon pondo para sa SEA Games pagkatapos ng palaro, nag-iipon na siguro ng pampa-pogi points ang mga alipores ni Cayetano. Sa cauldron pa nga lang, mahigit P50 milyon na ang halaga.
Sa social media, may mga mungkahi na dapat inspeksyunin ng mga mambabatas ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng cauldron dahil may nakapansin na hindi de-kalidad at hindi raw pulido ang pagkakagawa.
Nagtagumpay naman ang mga magigiting nating manlalaro sa paghakot ng medalya. At naginf number 1 sa dami ba naman ng ating manlalaro at sa dami ng larong ginawa.
Pero gusto siguro ng Phisgoc na sila man eh maging pogi rin sa paningin ng publiko at mga kritiko kaya ibinida nila ang nakuha nilang award sa SPIA-Asia bilang “Best SEA Games Organizer” kuno. Unang-unang tanong ng isa nating kurimaw, papaano naging Best SEA Games Organizer ang Phiscog? Ibig bang sabihin palpak ang mga nagdaang organizer ng palaro? Sinong kalaban nila sa award?
Ang matindi, kung susuriin ang background ng SPIA-Asia sa website, makikita na unang-una sa listahan nito ng 2019 “Speakers and Judges” eh itong si Ramos Suzara, na chief operating officer ng Phisgoc. But wait there’s more, nakalagay din na ang SPIA-ASIA 2019 ay “endorsed by” ng Philippine 30th SEA Games, at “presenting partner” ang Tourism Promotion Board of the Philippine ng Department of Tourism, na siyempre, umaayuda rin sa SEA Games. Anong ibig sabihin nun?
Aba’y kapag ipinatawag na si Cayetano sa Senado tungkol sa ginastos ng Phisgoc sa SEA Games, huwag na huwag niyang dadalhin doon ang award niya na “Best SEA Games Organizer” para ipagmalaki at baka ibato sa kaniya ‘yon ng mga dati niyang kasamahan sa kapulungan. Gusto pa nga niyang mag-bid ang Pilipinas sa mas malaking sporting event na ASIAN Games sa 2030 para nga naman masabi na dahil sa preparasyon nila sa SEA Games eh kaya na nating magdaos ng mas malaking pagtitipon.
Sa tinagal-tagal na panahon, isang beses pa lang nag-host ng Asian Games (na ginagawa tuwing ika-apat na taon) ang Pilipinas na nangyari noong 1954; na kokonti pa lang ang mga manlalaro, at wala pang trapik. O baka gusto niyang magpauto sa Olympic Council of Asia vice president na si Wei Jizhong, na nagsabi raw na dapat ngang mag-bid ang Pilipinas ASIAN Games. Siya nga pala mga tsong, mula sa BFF na China itong si Wie.
Sabagay, kung magtagumpay si Cayetano sa plano niyang maging host ng ASIAN Games ang Pilipinas, sa 2030 pa iyong gagawin at iba na ang administrasyon kaya ang lalabas eh bahala na kayo sa buhay nyo na magkaproblema sa preparasyon.
Pagkatapos lumabas ang mga ulat tungkol sa kanilang pagiging “Best SEA Games organizer”, hugas-kamay si Cayetano at sinabing “fake news” daw ang naturang award. Aba’y kung tutuusin, sinasabing “press release” mismo ng Phisgoc ang naturang award at lumabas pa ito mismo sa media agency ng gobyerno na Philippine News Agency. Anong ibig sabihin nun, sabay bawi siya kasi nabuko, o sila-sila mismo sa Phisgoc eh kakalog-kalog?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)