Kung isnabero ang datingan ng maraming taxi driver ngayong panahon ng kapaskuhan, mapagsamantala naman ang tingin ng ibang pasahero sa ride-hailing company na Grab Philippines dahil sa “pananaga” raw sa singil sa pasahe.
Mantakin mo, halos doble raw ang singil ng Grab sa mga nagpapa-book sa kanila. Kadalasang trapik ang idinadahilan ng mga Grab driver at marami ring booking ang iniisnab nila. Samantalang noong panahon na namimiligro ang kanilang prangkisa, todo suporta sa kanila ang mga tao–lalo na ang netizens.
Aba’y ang bilis naman yata nilang makalimot sa ginawang pagsuporta sa kanila ng mga tao.
Sabagay, hindi natin masisisi ang Grab na gawin ang gusto nila. Wala nga naman silang kalaban sa negosyo dahil binili nila ang kakompitensiya nilang Uber.
Hirit ng isa nating kurimaw na mahilig maglakad: panahon na kaya para magkaroon ng ibang ride-hailing company sa bansa? Ano na nga ba ang nangyari sa aplikasyon ng ibang gustong maging karibal ang Grab?
Mabuti na lang at masusing binabantayan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang ginagawa ng Grab. Kaya naman sa ikaapat na pagkakataon, pinagmulta na naman sila at pinasasauli ang labis-labis na sinisingil nila sa mga pasahero.
Mahigit P16 milyon ang bagong multa na ipinataw ng PCC sa Grab. Noong lang Nobyembre, aba’y mahigit P23 milyon din ang ipinataw na multa sa kanila. Mukhang naliliitan yata ang Grab sa ipinapataw na multa sa kanila ng PCC kaya tila balewala sa kanila ang mga iyon at patuloy lang sila sa paglabag.
Noong nakaraang taon, pinagmulta rin sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P10-milyon dahil naman sa paniningil ng karagdagang P2 per minute waiting time sa mga pasahero.
Nang aprubahan ng PCC noong Agosto 2018 ang pagkuha ng Grab kay Uber, may mga itinakdang patakaran doon na dapat sundin ng Grab. At kabilang doon ang mahusay na serbisyo, patas na pangingil ng pasahe tulad ng may kakompetensiya [kahit wala naman], magiging transparent sa kung ano ang sisingilin nila sa pasahero, at iba pa.
Alam naman ng Grab na ngayong panahon ng kapaskuhan eh talagang pahirapan na makasakay ang mga tao, kaya dapat ngayon sila nagpasikat at nagpakita ng malasakit sa mga pasahero. Kumbaga, ito ang panahon para patunayan nila sa mga mambabatas at mga kritiko na maaasahan sila bilang pamalit sa mga isnaberong taxi driver.
Ang kaso, ipinakita nila na wala silang pinagkaiba sa mga taxi driver na bukod sa namimili ng pasahero, nangongontrata pa. Sabagay, puwede naman nilang ikatriwan na kung namamahalan ang mga pasahero sa kanilang singil, eh di sa iba sila sumakay.
Kaya naman dapat pag-aralan at imbestigahan ng mga kinauukulan ang mga reklamo ng mga pasahero. Pero hindi lang ang ang umano’y pananamantala ng Grab sa singil sa pasahero, kung hindi pati na ang mga abusadong taxi driver. Hindi na dapat gamiting dahilan ang trapik para mamili ng pasahero at managa ng singil sa pasahe. Dahil kung trapik ang ikinakatwiran ng mga driver, dapat hindi na sila bumiyahe. Nabawasan pa sana ng mga sasakyan na nagpapasikip sa kalye.
Baka naman naiinggit ang Grab sa Maynilad at Manila Water, na inaakusahan naman ng labis-labis na singil sa bayad sa tubig. Baka gusto ng Grab na mapansin din sila ni President Mayor “Tatay Digong” Duterte. Sige kayo, huwag nyo nang hintayin na magalit pa ang pangulo. Sabi nga ni Incredible Hulk: Don’t make me angry, you wouldn’t like me when I’m angry.” Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)