Kanselado na ngayong araw ang biyahe ng lahat ng pampasaherong barko na papasok at palabas ng lalawigan ng Romblon dahil sa banta ng bagyong Tisoy.
Kabilang sa mga kanseladong biyahe ay galing Odiongan patungong Batangas, Roxas, at Caticlan at pabalik; at ang galing Romblon patungong Lucena at Batangas at pabalik.
Ayon sa pamunuan ng isa sa mga shipping company, nakatago na ang kanilang mga barko sa Looc bay upang hindi mabayo ng malalakas na alon kung sakaling lumapit ang bagyong Tisoy sa probinsya sa susunod na mga araw.
Inaasahang sa Miyerkules pa o sa Huwebes babalik ang regular na biyahe ng mga barko, panahong kung kailan inaasahan na malayo na sa probinsya at sa Batangas ang bagyong Tisoy.
Batay sa huling taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huli nilang namataan ang sentro ng bagyong Tisoy sa layong 885 km East ng Virac, Catanduanes.
Posible umanong itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 ngayong araw sa probinsya ng Romblon.