Nagsasagawa na ng preemptive evacuation sa mga low-lying areas sa bayan ng Odiongan dahil sa banta ng pagbaha dulot ng pag-uulan dala ng bagyong Tisoy at ang inaasahang high tide mamayang ala-una ng madaling araw.
Ayon kay Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic mas mainam umanong sa evacuation center o sa bahay ng kamag anak nalang magpalipas ng gabi ang mga nasa mababang lugar upang makaiwas sa trahedya.
“Bumalik lang tayo kinaumagahan sa ating mga bahay kung walang problema. Mabuti na yung sigurado at ligtas,” ayon sa alkalde.
Batay sa taya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Odiongan, may mga evacuees na sa Barangay Libertad, Tumingad, Gabawan, at Batiano.
Sa Barangay Batiano nga, ilan sa mga inilikas ay isang tatlong buwang gulang na sanggol kasama ang kanyang mga magulang.
Kwento ng magulang ng sanggol sa Romblon News Network, lumikas sila dahil gusto niyang masiguro na ligtas ang kanyang mag-ina sa pagtama ng bagyo.
Dagdag ng alkalde, patuloy ang pag-iikot ng mga tauhan ng MDRRMO kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office, Municipal Engineering Office, at iba pang mga opisina upang magbantay sa kalagayan ng bayan at ng mga lumikas.