May aabot umano sa 80% na mga bahay sa bayan ng Calatrava, Romblon ang nagkaroon ng sira dahil sa hanging dala ng bagyong Tisoy nitong Martes.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Mayor Marieta Babera, sinabi nito na ang 80% ay kabuoan na ng mga bahay na naapektuhan ng bagyo.
“Totally damaged…ang mga partially affected? Marami eh, siguro nasa 80% eh, ultimo bahay ng dating Mayor ng Calatrava, nagkaroon ng sira dahil sa bagyo,” ayon sa alkalde.
Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat ang alkalde dahil walang buhay na kinuha si Tisoy sa buong bayan.
“Prior to that [pagtama ng bagyo] nag force evacuation kami, humingi ako ng suporta sa mga pulis, umikot kami lalo na sa mga coastal area…Mabuti nalang itong mga tao, nag-volunteer rin sila na lumikas, otherwise, grabe ang damage ni Tisoy kung nagkataon,”
“Zero casualty kami, kasi napakalaking bagay ‘yung force evacuation. Maagang nag prepare talaga kami,” dagdag pa ng alkalde.
Kahit nakabalik na umano ang evacuees, nagpapatuloy naman umano ang pamimigay nila ng relief goods lalo na sa mga sinira talaga ng bagyo ang kanilang mga bahay.
Samantala, nanawagan naman ang alkalde sa national government na tulungan ang kanyang bayan.
“Sana namin mabigyan tayo ng ayuda mula sa national level, kasi this is locally funded [relief goods]. Sana naman makatanggap sila ng tulong mula sa national government kasi totally wala talaga silang makain, katulad nitong mga magsasaka, ‘yung mga palay nila, inanod, wala talaga silang makakain,” pahayag ni Babera.