Isang 31 anyos na lalaki ang inaresto ng mga tauhan pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan sa bayan ng Odiongan matapos mabilhan ng ipinagbabawal na shabu nitong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ang suspek na si Hener Gamol, tambay.
Ayon kay Captain Manuel Fernandez Jr., ng Odiongan Municipal Police Station, ang operasyon ay ikinasa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Romblon Police Provincial Office sa pakikipagtulungan ng Odiongan Municipal Police Station, Romblon Provincial Mobile Force Company at ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa spot report ng pulisya, nabilhan di umano ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu ang suspek kapalit ang isang P500 na buy-bust money.
Agad naman umano siyang inaresto matapos magkapalitan.
Sa pagkapkap ng mga operatiba sa suspek, nakuha rin di umano sa kanya ang isa pang sachet ng shabu, foil, at pera.
Dati ng sumuko sa Oplan Tokhang si Gamol ayon sa Odiongan Municipal Police Station.
Walang pahayag ang suspek na nakakulong na ngayon sa Odiongan Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.