Upang mas mapabilis ang pag bangon ng bayan ng Banton sa iniwang pinsala ng bagyong Tisoy sa lugar, napagkasunduan ng Municipal Disaster Risk and Management Council (MDRRMC) na magbibigay ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan sa mga pamilya na nasira ang tirihan dahil sa bagyo.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Banton, magbibigay sila ng P2,500 na tulong pinansyal para sa 758 pamilya na may partially damaged houses habang P6,000 naman ang ibibigay sa 154 pamilya na may wasak na bahay.
Pinapamadali na agad ni Banton mayor Milagros Faderanga ang pagbibigay ng pera sa mga pamilya para agad na magamit sa pagsasaayos ng kanilang mga nasirang kabahayan.
Naniniwala rin ang alkalde na kayang lagpasan ng buong bayan ang ‘pagsubok’ na iniwan ng bagyo sa kanila.
Samantala, marami na rin umanong private individuals na patuloy ang pagsasagawa ng relief operation at namimigay ng mga pagkain sa mga sinalanta ng bagyo.
Ang ilan sa kanila ay nagbibigay ng mga damit, bigas, pagkain, at pera na pampaayos ng mga nasirang bahay.