Limang mangingisda ang nailigtas ng mga crew ng isang cargo vessel sa karagatang sakop ng Tablas strait sa Romblon ngayong hapon, December 26.
Kinilala ang limang mangingisda na sina Paul Justin Monseda Sandoval, 16; Agustin Behasa Del Rosario, 18; Jeson Orolan Cambongga, 19; Julios Maguindanao Escoril, 32 (kapitan); at Eduardo Sarol Aguilar, 33.
Ayon sa kapitan ng bangka na si Julios Escoril, umalis umano sila ng Antique noong December 23 para mangisda sa Sibuyan Sea ngunit dahil sa akalang doon dadaan ang bagyo, tumungo sila ng Boracay para magtago ngunit naabutan sila ng bagyo nitong December 25.
Pinataob ng malalakas na alon ang bangkang M//B Jerzten na sinasakyan ng lima kasama ang isa pang si Ruben Floro na narescue naman ng mga residente ng San Andres, Romblon sa malapit sa kanilang dalampasigan ngayon ring hapon.
Simula December 25 ng umaga ay nagpalutang-lutang na umano sila sa dagat at sinubukang lumangoy patungong Boracay ngunit tinangay sila ng alon patungong Tablas Island, Romblon.
Bandang alas-4 ng hapon nang mapansin sila ng mga crew ng cargo vessel na Emperor BB at agad na tinulungan.
Agad silang tinapunan ng life ring, at hinila para makaayat sa barko.
Pagdating sa barko, binigyan sila ng kape, binihisan at binigyan ng life jacket ng mga crew para matanggal ang kanilang lamig sa katawan.
Kita sa hitsura ng mga mangingisda ang pagod, at gutom nang sila ay mailigtas ng mga crew ng barko matapos ang halos dalawang araw na palutang-lutang sa dagat.
Pagdaong ng cargo vessel sa Odiongan Port, agad sinundo ng mga ahensyang miyembro ng Odiongan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council upang isugod sa Romblon Provincial Hospital kung saan sila ngayon nagpapagaling.
Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa mga kamag-anak ng lima upang makauwi na ang mga ito sa San Jose, Antique.