Libo-libong bahay ang iniwang sira ng bagyong Tisoy sa bayan ng Corcuera, Romblon batay sa pinakahuling taya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa nakuhang data ng Romblon News Network, umaabot na sa 2,308 sa buong isla ang sira, kung saan 130 rito ay totally damaged o hindi na pwdeng tirhan. Umaabot na sa P49,160,000 ang kabuoang halaga ng mga bahay na napinsala.
Marami ring imprastraktura ang nasira kagaya ng mga Barangay Health Stations, mga paaralan, covered court, barangay hall, sea wall, river control at maging ang kanilang feeder port at umaabot na ang halaga nito sa P25,520,000.
Maging ang 86,534 na puno ng saging na nagkakahalaga ng halos 13million pesos at ang 5,588 na puno ng niyog na nagkakahalaga ng mahigit 1.6million pesos ay sinira rin ng bagyo.
Mahigit 2.6million na halaga rin ng mga alagang baboy, manok, kambing, at baka ang napinsala sa bayan.
Sa kabuoan, may aabot sa mahigit 95.5million ang pinsala ni bagyong Tisoy sa buong isla.