Ipinagdiwang ngayong araw sa bayan ng Odiongan ang ika-27 na selebrasyon ng National Chilren’s Month na may tema ngayong taon na “Karapatang Pambata: Patuloy na Pahalagahan at Gampanan tungo sa Magandang Kinabukasan”, alinsunod sa Republic Act No. 10661 o ang batas na nagtatakda na ipagdiwang ang National Children’s Month sa tuwing Nobyembre ng bawat taon.
Sinimulan ang selebreasyon sa pamamagitan ng isang parada paikot sa bayan ng mga bata mula sa iba’t ibang barangay na sinundan naman ng isang programa sa Odiongan Covered Court sa Poblacion.
Naging tagapagsalita sa programa si Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic na nagbigay ng kanyang State of the Children’s Address kung saan inihayag nito ang mga programa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at ng National Government para sa mga bata. Kabilang rito ang plano ng lokal na pamahalaan na ibalik ang tinapay na ‘nutriban’ sa mga paaralan na sakop ng bayan ng Odiongan.
Matapos ang programa, nagpatalbugan ang mga bata mula sa iba’t ibang daycare centers sa bayan na nagpakita ng kanilang talento sa pagsayaw at sa pagkanta.
Layunin ng pagdiriwang ng National Children’s Month na makilala ang mga bata bilang isa sa pinakamahalagang asset ng bansa ngayon, at ang mas mabigyan pa ng importansya ang kanilang tungkulin sa isang pamilyang Pilipino.