Marami ang natuwa sa pahayag ni President Mayor Rodrigo Duterte na sususpindihin niya ang pag-angkat ng mga bigas sa harap ng pagbagsak ng presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka. Tanong ng ating kurimaw na mahilig sa unli-rice, ano raw kaya ang feeling dito ni Senadora Cynthia Villar, na promotor ng batas na ito?
Pero bago tayo magsaing, este, pag-usapan na isyu ng bigas at palay, aba’y nalula ang ilang senador sa presyo ng “kawa” o stadium cauldron, na paaapuyin sa gaganaping Southeast Asian (SEA) Games. Mantakin mo ba namang nagkakahalaga pala ang mistulang malaking kawa na ito ng halos P58 milyon, na katumbas na ng mahigit 50 silid-aralan.
Hindi lang iyon, sa dami ng mga kababayan nating nasalanta ng lindol sa Mindanao, tiyak na marami-raming relief goods ang mabibili nito, mga trapal, gatas ng mga bata at kahit nga sana materyales na pampagawa sa mga nasirang bahay. Ang kaso, mukhang nais magpasikat ng kung sinoman man ang nasa likod ng pagpapagawa ng “kawa.”
Linawin lang natin mga tsong, ang disenyo daw mismo ng “kawa” ay P4.4 milyon ang presyo, ang pundasyon ay P13.4, at ang iba pang gastos sa konstruksyon ay P32 milyon. Kung tama ang lumabas na ulat, P54.8 milyon ang kabuuang halaga nito.
Ang tanong tiyak ng marami nating tsokaran, tama ba naman talaga ang presyo at walang patong? Hindi ba puwedeng magpasikat ang Pilipinas bilang host ng palaro nang hindi gagastos ng ganung kalaki? Kaya tama lang na imbestigahan ng Senado ang gastos sa mga itinayong pasilidad para sa SEA Games para magkaalaman.
Pero bakit ang Senado lang kaya ang nakakaamoy ng ‘di maganda tungkol sa mga pasilidad ng Sea Games, at tahimik ang bakuran ng mga kongresista nitong si Speaker Alan Peter Cayetano? Dahil kaya sa alipores niya ang isa sa mga punong abala rito na si Vince Dizon ng Bases Conversion Development Authority Authority, na siyang nasa likod ng New Clark City na pagdarausan ng ilang palaro?
Mula sa kawa, balik na tayo sa sinaing. Mukhang nakarating na siguro kay President Mayor Duterte na may sumasalaula sa layunin niyang maging sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng pagpapahintulot na mag-angkat ng bigas. Biruin nyo mga tsong, wala pang isang taon mula nang maisabatas ang rice tarrification law, aba’y sinasabing nahigitan na natin ang China sa pag-import ng bigas.
Paano nangyari iyon kung totoo? Kung tama ang nabasa natin sa internet, nasa mahigit 100 milyon lang ang populasyon ng Pilipinas; habang ang bilang ng mga Tsino, mahigit isang bilyon. Tanong nga ng isa pa nating kurimaw, kung talagang naparami nang bigas sa Pilipinas, bakit ang nakikita raw niyang presyo ng mga bigas ay nasa P35 hanggang 45 per kilo pa ang magandang klase, at nasa P27 per kilo naman NFA rice o di kagandahan ang klase.
Habang namamayagpag ang mga negosyanteng importer, nabaon naman sa putik ang mga lokal nating magsasaka dahil binabarat na ang kanilang palay na umaabot na lang sa P10-P12 per kilo. Papaano pa sila kikita? Kung titigil sila sa pagsasaka, anong gagawin nila sa kanilang lupa? Ibebenta sa mga mayayaman para tayuan ng real estate?
Kung talagang itutuloy ni President Mayor Digong ang suspensyon ng rice import, parang nasupalpal nito si Sen. Chynthia Villar na nagsulong ng naturang batas. Mantakin nyo mga tsong, nais niyang limitahan sa isang milyon tonelada ang rice import gayung lalabagin nito ang mismong isinulong niya batas na liberalization ng pag-angkat. Ano kaya ang puwedeng itawag sa ganung mga hirit ng isang mambabatas mga tsong? Kayo na ang sumagot.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)