Labing-anim na wala pang permanenteng trabaho ang nagtapos sa Web Development Course ng digitaljobsPH na ibinigay ng gobyerno kamakailan sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ayon kay Engr. Racquiel Aguba ng DICT-Romblon, sa 21 na kumuha ng kurso 16 lang ang nakatapos sa mahigit dalawang buwang training sa paggawa at pagdevelop ng isang website at 3 rito ang itinuturing ng DICT na outstanding students.
Nilalayon ng pagsasanay na madagdagan ang kakayahan ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang mga kasanayan sa ICT at paggamit ng kanilang mga kakayahan sa nasabing larangan para sa mga oportunidad na makapagtrabaho.
Ito ay inorganisa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Lokal na Pamahalaan ng Odiongan.
Sa mensahe ng trainor ng digitaljobsPH na si Jane Maghanoy, ipinaalala nito na ang nadaanan nilang hirap at pagpapagod sa training ay para sa ikababago ng buhay nila.
“Hindi niyo na kailangang mag-abroad, dahil pwede na kayo magtrabaho sa bahay niyo. Halimbawa na nga itong paggawa ng website which is freelancing. Mahal ang bayad sa pag papagawa ng website kaya sigurado na may kikitain kayo kapag may costumer na kayo,” ayon kay Maghanoy.
Pinasalamatan naman ng mga nagtapos ang mga ahensya na nagtulong-tulong para matagumpay na maisagawa sa bayan ng Odiongan ang nasabing training.
“Na appreciate po namin ang effort ng local government at ng DICT sa pagtuturo sa amin, malaking tulong po sa amin ito. Hinihikayat ko po ang mga kasama ko na graduate na gamitin ang mga bago nilang kakayahan sa labas, at gamitin ito para kumita,” ayon kay Mel Annie Compas, isa sa mga nagtapos sa training.
Samantala, dumalo sa pagtatapos ng mga estudyante at nagbigay ng inspirational message sina Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic at Odiongan vice mayor Diven Dimaala.