Arestado ang isang tricycle driver sa bayan ng Cajidiocan, Sibuyan Island, Romblon nitong nakaraang Sabado, October 13, matapos mahulihang may sakay na mga kahoy sa kanyang tricycle na pinaghihinalaang iligal na pinutol.
Sa police report na pinadala ng Romblon Police Provincial Office, nagsasagawa umano ng anti-illegal logging operations ang mga tauhan ng mga kapulisan ng Cajidiocan Municipal Police Station nang makita ang tricycle ni Joel Layong, 45 anyos, na may kargang mga pinutol na ‘Lawaan’.
Agad nila itong hinanapan ng papeles ngunit walang maipakita si Layong kaya kinumpiska ang mga karga niyang kahoy na tinatayang may market value na aabot sa 5,880 pesos.
Samantala, sa bayan ng San Fernando sa parehong isla, aabot naman sa 86 board feet na kahoy na tinatayang may market value na aabot sa 2,150 pesos ang nakita ng mga pulis ng San Fernando Municipal Police Station na iniwan sa Barangay Mabini.
Dinala na ito sa opisina ng San Fernando Municipal Police Station habang patuloy na inaalam ang pagkakilanlan sa may-ari ng nasabing mga kahoy.
Ang pagputol ng mga kahoy ng walang kaukulang pahintulot ay ipinagbabawal ng Presidential Decree No. 705 at ng Executive Order 277. Ang sino mang susuway sa nasabing kautusan ay mananagot sa batas.