Muling kinilala kamakailan bilang ‘Senior Citizen Most – Friendly Municipality in the Province’ ang bayan ng Odiongan, Romblon sa ginanap na pagdiriwang ng 31st Provincial Elderly Filipino Week (Linggo ng Nakatatandang Pilipino) sa bayan ng Looc, Romblon.
Ayon kay Edwin Gan, hepe ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng bayan ng Odiongan, ikalawang beses ng nakatanggap ng ganitong award ang bayan, una noong 2017 at sumunod naman ngayong 2019.
Pinasalamatan ni Gan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Odiongan sa pangunguna ni mayor Trina Firmalo-Fabic ganun rin ang mga pangulo ng mga Senior Citizens sa 25 barangay ng bayan.
Maliban sa plaque na na natanggap ng OSCA, pinagkalooban rin sila ng P100,000 para magamit sa iba pang proyekto na makakatulong sa mga SC ng nasabing bayan.
Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 470 kung saan inaatas na tuwing unang linggo ng Oktubre ay dapat gunitain ang Linggo ng Nakatatandang Pilipino bilang pagpapahalaga sa mga naiambag ng mga matatanda sa ating bansa.
Dumalo sa pagdiriwang si Romblon governor Jose Riano na nagbigay rin ng pagkilala sa mga senior citizen ng probinsya.
Sa talumpati ni Riano, sinabi nitong may mga programa ang provincial government para sa mga matatanda katulad nalang ng pagbibigay ng insintibong nagkakahalaga ng P50,000 sa mga aabot sa edad na 97 hanggang 99. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)