Nanawagan ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) – Romblon sa publiko na tangkilikin ang mga NFA rice na ibinebenta sa merkado dahil sa mura, masarap, at ligtas itong kainin.
Sa programang One on One with PIA-Romblon, sinabi ni NFA-Romblon Manager Redentor E. Arciaga na nagkakahalaga lamang ng 27 pesos ang isang kilo ng NFA rice, mas mababa sa mga commercial rice na kasabay na ibinebenta sa palengke.
“Tinitiyak po namin sa inyo na ang bigas na nanggagaling sa NFA ay mura lang po iyan, P27, at ito po ay dekalidad. Galing po ito sa San Jose [Occidental Mindoro] at hindi po ito imported rice, at ito po ay bagong ani,” ayon sa pahayag ni Manager Arciaga.
Katunayan umano nito ay may dumating noong unang linggo ng Oktubre na aabot sa 30,000 na sako ng local rice mula Occidental Mindoro para ipamahagi sa mga warehouse sa tatlong malalaking isla sa lalawigan ng Romblon at may darating nanamang panibagong supply sa susunod na buwan.
Maari umanong pumunta ang mga gustong bumili ng NFA rice sa mga accredited retailers ng National Food Authority para masigurong mabibili ng publiko sa tamang presyo ang kanilang bigas.