Pahirapan ang pag-uwi ng mga estudyante mula sa Tuburan Elementary School kaninang hapon dahil sa mataas na tubig sa ilog sa barangay sanhi ng halos buong araw na pag-uulan sa Odiongan, Romblon nitong Lunes, October 28.
Ayon kay Claerilyn Cruz Vesarius-Reigo, ilang mga bata ang tinulungan na ng mga matatanda na makatawid sa ilog para lang makauwi. Ilan kasi sa kanila ay nagugutom na kaya kailangan ng itawid ng ilog.
Ang Tuburan Elementary School kasi at ang Sitio Malipayon ng Barangay Tuburan ay napapagitnaan ng isang ilog kaya ang mga estudyanteng galing sa paaralan ay nahihirapan umuwi.
Wala kasing naitatayong tulay sa lugar sa ngayon ang gobyerno. Pasado alas-5 na ng hapon ng magsimulang unti-unting bumaba ang tubig sa ilog.
Ang pag-uulan sa Romblon ay dulot ng Low Pressure Area na nagpapaulan sa southern luzon at sa ilang bahagi ng bansa.