Pormal ng nanumpa bilang kauna-unahang Indigenous Peoples Mandatory Representative para sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Romblon ang dating school principal na si Lettie Festin Magango.
Nanumpa si Magango sa harap ng mga Indigenous peoples (IPs) sa Banton, Romblon kung saan ginaganap rin ang pagdiriwang sa 2019 Provincial IP Month.
Dumalo sa oath taking ceremony ni Magango sina Congressman Eleandro Madrona, Governor Jose Riano, ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na makakasama na ni Mangango, kanyang mga kaibigan, at mga kamag-anak.
Sa mensahe ni Magango, nagpasalamat ito dahil ang tribung Bantoanon ang unang nabigyan ng pagkakataon para mag kinatawan sa IPs sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Romblon.
Bago pa man maging IPMR sa bayan ng Odiongan si Magango, naging guro muna ito at naging principal hanggang sa mag-retire sa Department of Education.
Base pa sa mensahe ni Magango, ilan lang sa mga programang isusulong nito ay ang pagkakaroon ng IP Center for Excellence building sa bayan ng Odiongan, isang transient house na pwedeng tuluyan ng mga IP sa Odiongan na manggagaling pa sa ibang lugar, at ang pagkakaroon ng sariling pondo ng opisina ng IPMR mula sa budget ng probinsya.