Sa presinto ang diretso ngayong gabi ng isang lalaking kabababa lang ng barko matapos alukin ng pinaghihinalaang shabu ang isang pasahero ng barko na isa palang pulis.
Ayon kay Police Captain Dennis Rivera, hepe ng Provincial Intelligence Branch ng Romblon Police Provincial Office, sakay ng barko mula Roxas, Oriental Mindoro patungong Odiongan, Romblon ang ilang pulis nang maaktuhan nilang nag-aalok ang kasabay nilang suspek na kinilalang si Mark Anthony Famisaran ng mga pinagbabawal na shabu sa ilang pasahero.
Dahil dito, nag plano ang grupo na magkasa ng operasyon hanggang sa makababa ang suspek, dito na nagpanggap ang isang pulis na bibili ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P500.
Matapos magka-abutan, agad na dinakip sa pantalan ang suspek at pinusasan.
Ikinagulat pa ng mga pulis ng arestuhin ang suspek dahil ang mga shabu na di umano ay dala ng suspek, nakuha sa loob ng kanyang tsinelas. Nakuha sa loob ng tsinelas ng suspek ang dalawang malalaking sachet at tatlong maliliit na sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Samantala, nakuha rin sa bulsa niya ang isang P500 bill na ginamit na buybust money ng mga operatiba ng pulisya.
Hindi na itinanggi ng suspek ang pagkahuli sa kanya. Aniya, P6,000 ang bili niya mga pinagbabawal na gamot sa Binondo, Manila at balak niya sanang ibenta sa Romblon sa halagang aabot sa P15,000 lahat.
Sinabi rin nito na noong nakaraang araw lang siya huling gumamit ng pinagbabawal na droga.
Nakakulong na ngayon ang suspek at mahaharap siya sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.