Hindi Tayo Nag-iisa, Si Lord Ay Lagi Nating Kasama
Isa sa mga nakakatakot na kumakalat ngayon na karamdaman ay ang patungkol sa depresyon o ang matinding kalungkutan. Maraming beses na rin akong nakakabasa ng mga pagsuko sa ilang mga posts ng aking mga kaibigan sa social media at sobra akong apektado at nalulungkot sa tuwing nababasa ko ang mga nakakabahala at nakakapanghina na mga salita na, “Ayaw ko na at suko na ako” at ang mga mabibigat pang salita na nagpapahiwatig ng pagkitil ng sarili nilang buhay.
Minsan na akong tumulong sa isa ko na kaibigan sa Facebook, hindi ko siya kilala sa personal, na nakakaranas ng nasabing sakit. Napakabata pa niya at may mabigat na problemang na siyang pinagdadaanan sa loob ng kanilang tahanan. Una, nagpadala ako ng mensahe sa kanya at nagpapakilala ako ng maayos. Isinalaysay ko agad sa kanya ang aking sitwasyon at nagpahayag ako ng pag-alala sa kanya hanggang sa nagbigay ako mahinahong payo na huwag siyang susuko, magdasal at huwag mawalan ng pag-asa sa kinakaharap nito.
Nausisa ko din ng kaunti ang tungkol sa kanyang suliranin at ito ay patungkol mismo sa kanyang pamilya, hindi raw niya masabi sa kanila ang problema at wala ring ibang mapagsasabihan. Ayon sa kanya ay punong-puno na siya at hindi na niya kaya pang mabuhay sa mundo.
Sa munti kong nakayanan ay naiparamdam ko kanya ang pag-alala. Nang malaman niya na ako ay isang paralitiko, hindi makalakad at hindi rin maka-upo ng normal, tanging naisagot niya sa akin “ay ganun po ba, Ate. Ganun pala ang sitwasyon mo. Bilib po ako sa inyo”.
Kaya sabi ko sa kanya kung anuman ang pinagdadaanan mong mabigat na problema ay siguradong kaya mo at ipagkatiwala mo lahat sa Diyos dahil nakaya ko, kinakaya at kakayanin, ikaw pa kaya. Si Lord pa kaya na kayang lutasin ang lahat ng ating problema.
Mula po sa kaibuturan ng aking puso na tanging hangad ko sa pamamagitan muli ng aking kwento ay maiparating ko na huwag papatalo sa matinding kalungkutan o depresyon hatid ng iba’t-ibang suliranin sa buhay.
Lagi nating iisipin na mas malakas ang kapangyarihan ni Lord sa kahit na anumang negatibong bagay na nangyayari sa atin. Huwag po tayong mahihiyang magsabi sa iba lalo na sa ating pamilya at mga kaibigan kung anuman ang nagpapabigat sa ating saloobin.
Higit sa lahat, ay huwag po tayong mahihiya kay Lord na iiyak ang lahat sa Kanya. Napakabisang paraan po ang ipagkatiwala natin sa Kanya ang lahat.
Ako pong muli si Cheryl Formilleza, edad 32, paralisado po ang aking katawan mula sa aking mga paa hanggang sa baywang sa loob ng siyam na taon. Isa po akong single mother at nakatira po ako sa aking kubo na mag-isa. Ang tanging nakakaya ko pa lang na paggalaw ay ang pagdapa, pagtihaya at patagilid ng aking katawan sa aking higaan.
Nakakaya ko po na magpalit at magsuot ng aking diaper, maligo mag-isa ng nakadapa sa papag na kawayan, naggagantsilyo po ako at pinagkikitaan ko po ito.
Ang maikling pagpapakilala po ay para sa mga bago kong kaibigan at kakilala na nawa’y makapaghatid po ako ng konting lakas at makapagbigay ng pag-asa. Gusto ko pong ipaabot sa inyo na handa po akong makinig sa anumang oras na kailangan ninyo po ng makakausap. Sabay po tayo na magdarasal at iiyak natin kay Lord ang lahat. Huwag po tayong mahihiya na sabihin sa Kanyang ”Lord, payakap naman po”.
Dahil kailangan talaga natin ang pagyakap sa ating Panginoon.
Ang pagyakap sa Kanyang mga pangako na mababasa natin sa Bibliya. Ang pagyakap sa kapangyarihan ng pagdarasal. Ang pagyakap sa Kanyang walang hanggang awa sa pamamagitan ng pagtitiwala natin sa Kanya. Ang pagyakap natin sa paniniwala na lagi Siyang nandiyan sa ating tabi. Ang pagyakap sa katotohanan na ang ating pamilya at mga kaibigan ang Kanyang paraan para iparamdam sa atin na hindi tayo kailaman nag-iisa sa buhay at upang ipadaman niya sa atin ang nag-uumapaw Niya na pagmamahal at handa tayong pakinggan sa lahat ng oras.
Kaibigan, nandito lang ako kung kailangan mo ng kausap. At nasa tabi mo lang si Lord kung kailangan mo ng kayakap.