Nagbigay ng kanyang inisyal na ulat sa lalawigan si Vice Governor Felix “Dongdong” Ylagan sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon kasama ang mga lokal na mamahayag sa Romblon nitong Lunes, Setyembre 16 sa DTI Negosyo Center, Odiongan.
Masayang ibinalita ni Vice Governor Ylagan na mula umano ng maupo sila noong June 30, 2019 hanggang sa kasalukuyan ay ngayon lamang umano nangyari na perfect lagi ang kanilang attendance sa Sangguniang Panlalawigan.
Unang naitanong kay Vice Governor Ylagan ang tungkol sa iniwang pondo ng nakaraang administrasyon ni dating Governor Lolong Firmalo na napabalitang nagkakahalaga ng P1.3 bilyon kung ano na ang kasalukuyang kalagayan nito.
Ayon kay Vice Governor Ylagan, maayos naman umano sa kasalukuyan ang pamamahala sa nasabing pondo. Nilinaw din nito na hindi umano eksaktong P1.3 bilyon ang cash–on-hand na iniwan ng nakaraang administrasyon dahil mayroon din na mga inaprubahang proyekto na nakapaloob doon sa nakaraang AIP na wala pang aktuwal at may mga pondo rin umano na isinama mula sa pangako ng mga national agencies.
Dagdag pa ni Vice Governor Ylagan na nagsagawa rin umano ng realignment ang bagong administrasyon ni Governor Otik Riano mula doon sa nasabing pondo at inilagay ito sa health services ng probinsya.
Ilan sa mga naipasang Resolution ng Sangguniang Panlalawigan na binanggit ni Vice Governor Ylagan ay ang sumusunod: A Resolution concurring to the Appointment of Atty. Lizette F. Mortel as Provincial Administrator; Appointment of Atty. Abner Perez as legal officer of the province; Appointment of Engr. Noel M. Mortel as Provincial General Services Officer (PGSO) head; Appointment of Willard B. Mortos as head of the Provincial Planning and Development Office (PPDO); Authorizing Governor Jose Riano to enter into different MOAs; A Resolution changing the nomenclature of the project from Sulong Family Health Access Program to One Romblon Health Access Program; Accredited various NGO’s at marami pang iba.
Ibinalita rin ni Vice Governor Ylagan na priority program umano ng bagong administrasyon ni Governor Riano ang health services kung kaya naglaan ito ng pondo para pambili ng bagong sea ambulance na ilalagay sa isla ng Sibuyan.
Nang tanungin kung kumusta ang relasyon nila ni Governor Riano, sinabi nito na suportado niya ang mga programa ng gobernador at maayos naman ang kanilang trabaho para sa ikauunlad ng lalawigan.
“Dati naman kaming magkasama ni Gob. Otik at suportado ko naman at nang buong SP ang kanyang mga magagandang programa,” pagtatapos pa ng bise-gobernador