Kung gagawing teleserye o pelikula ang sitwasyon ngayon ng mga lokal nating magsasaka, mukhang isang superhero ang kailangan nila para maisalba sila sa kanilang kalagayan. Eh sino naman kaya ang lumalabas na kontrabida?
Mula nang maging batas ang Rice Tariffication, na nagpapahintulot ng pag-angkat ng mga imported na bigas, aba’y nanaghoy na ating mga magsasaka. Para ba silang nalulunod sa putik at kamay na lang ang nakalitaw dahil sa sobrang sadsad na raw ang presyo ng kanilang palay na umabot na sa P7 hanggang P10 per kilo.
Hindi naman nakapagtataka kung bumagsak ang presyo ng palay. Kung mas mura nga naman ang mag-import ng bigas basta mayroon kang puhunan at pambayad ng taripa, bakit ka pa nga naman bibili ng palay na gigilingin pa sa tistisan para maging bigas? Siyempre doon ka na sa imported na maganda naman ang kalidad at diretso na sa mga pamilihan.
Ang mga negosyante naman na mas maparaan, aba’y hindi na kailangan humingi ng kota sa pamahalaan para mag-import. Kung may kasabwat sa customs, magpupuslit na lang ang mga kumag at marahil ay dadayain ang mga dokumento para palabasin na pasok sila sa rice tariff. Nakatipid na sila sa pag-angkat, mas malaki pa ang kita.
Habang nagpapakalunod sa imported rice ang mga hinayupak na magugulang na negosyante at nakasahod ang palad ng gobyerno sa bilyung-bilyong kita sa taripa, ang mga magsasaka natin, problemado kung papaano bubuhayin ang pamilya at kung ano ang gagawin sa lupang sakahin. Kapag nga naman wala na silang mauutangan para makabili ng binhi, pataba at iba pang gastusin sa pagtatanim, ano pang silbi ng kanilang sakahan? Mabuti pa ang kalabaw, puwede nilang tapahin, eh ang lupa?
Ang ikinalulungkot ng marami nating tsokaran, sa kabila ng mga daing ng mga magsasaka sa kanilang kalagayan dahil binabarat na ang kanilang palay, tila hindi naman sila pinaniniwalaan ng mga ahensiya ng pamahalaan, at maging ni Senadora Cynthia Villar ang chairman ng Senate Committee on Agriculture, at nagsulong ng rice tariffication law.
Aba’y bukod sa hindi na niniwala ang senadora kung talagang umabot na sa P7 per kilo ang palay, tila minamaliit pa niya ang diskarte ng mga magsasaka kung ano ang dapat gawin para makapag-adjust sa ginawa niyang batas. Ang kaniyang laging sagot sa mga magsasaka ay ang P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nakapaloob sa rice tarrif law, na naglalayong maging pang-ayuda sa mga magsasakang maapektuhan ng kaniyang batas.
Iyong ng lang, ilang buwan na ang nakalipas mula nang maipatupad ang batas, bilyon-bilyon na ang kinita nga negosyante at gobyerno, mukhang wala pang maasahang ayuda ang mga magsasaka mula sa RCEF. Katunayan kung paniniwalaan ang datos ng Philippine Statistics Authority, aba’y umabot daw sa 4.26 milyong toneladang bigas na tinatayang nagkakahalaga sa mahigit P36 bilyon ang pumasok sa bansa mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon mula nang payagan ang bonggang pag-aangkat ng mga bigas,
Ang National Food Administration naman na inatasan na bumili ng mga palay ng mga magsasaka sa “nararapat” na presyo na mas mataas sa P7 hanggang P10 per kilo, idinadahilan naman na limitado ang kanilang pondo para bilhin ang mga produkto ng ating mga magsasaka. Ang masaklap pa nito mga tsong, naghihingalo na nga ang mga magsasaka natin, hindi pa natutupad ang pangakong sasadsad ang presyo ng bigas sa merkado na kasing mura ng NFA rice na P27 per kilo.
Kung duda ang mga dudero’t dudera sa sinasabing P7-P10 per kilo ng palay ng mga magsasaka, bakit hindi sila mismo ang mag-imbestiga at mag-undercover para malaman nila kung nagsisinungaling o hindi ang mga magsasaka. At habang naghihintay ang mga magsasaka ng kanilang magiging tagapagligtas, sino naman sa tingin nyo ang kontrabida sa kalagayan ngayon ng mga magsasaka?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)