Kuwento ito ng isang lugar na may beach- ang Cambodia, dating maganda ang kapaligiran, at tahimik. Kaya naman naging paborito itong puntahan noon ng mga turistang kung tawagin ay “backpacker.” Pero nang pumasok ang negosyanteng Chinese, nagbago raw ang lahat.
Batay sa lumabas na mga ulat, nang dumating ang mga negosyanteng Chinese sa lugar, nagtayo sila ng kabi-kabilang naglalakihang mga hotel-casino. At dahil maraming gusali ang itinayo at patuloy na itinatayo, dumagsa ang maramingTsinong manggagawa sa lugar.
Ang masaklap, naagawan na ng trabaho ang mga lokal na residente, nagkaproblema pa sila sa pagtaas ng gastusin sa sarili nilang bayan. Bakit? Dahil sa kakulangan na ng mga lugar na tutuluyan ng mga dayuhang manggagawangTsino, pati ang paupahan na tinitirhan ng mga lokal na residente ay iniaalok na sa mga dayuhan dahil sa mas mataas na renta.
But wait there’s more, ang mga lokal na residente eh hindi raw basta-basta o bawal pumasok sa mga establisimyento (gaya ng mga restaurant at lalo na sa mga itinayong hotel casino), na pinapatkbo ng mga tsino. In short para daw bang naging exclusive ang lugar para sa mga Chinese.
Ang dating lugar na maraming puno, napalitan ng mga gusali. At dahil tuloy-tuloy pa rin ang development sa lugar, nagkalubak- lubak ang mga kalsada at matindi ang kalat at alikabok. Nasalaula na rin daw ang beach dahil sa mga itinatapong basura ng mga tsinong nagpupunta roon.
Dahil sa malaking pagbabago sa lugar, lubhang dumalang na ang pagdating mga turistang naghahanap ng magandang beach at katahimikan. Naapektuhan tuloy ang kabuhayan ng mga lokal na nagsa-sideline na mga tourguide, mga nagpaparenta ng tutuluyan, mga rental service at iba pa.
Ang pumalit sa mga turista, ang mga Chinese workers at umano’y mga oportunistangTsino na ang binibiktima ay kanilang mga kababayan. May mgaTsinong lasing na mag-aaway-away sa daan, mga loan shark sa mga casino player at dudukutin kapag di raw nakabayad, at prostitusyon ng mga babaeng Chinese at mga kababayan din nila ang parolyano.
Kung titingnan mga tsong ang istorya, iisipin mong dito ito nangyayari sa Pilipinas. Hindi ba ilang beses nang naibalita sa atin ang mga pagkidnap ng mgaTsino sa kapwa nila tsino; ang isyu ng pag-agaw ng mga trabahong puwede sa Pinoy na napupunta sa tsino; mga inirereklamong establisimyento na pang-Chinese only; mga lasing na gunagawa ng eksena at kamakailan lang eh may mga babaeng Chinese ang nasagip sa isang prostitution den, na mga Chinese din ang kliyente.
Ang binanggit nating kuwento eh nangyari sa isang lugar sa isang bansa na malapit lang sa Pilipinas. Ang kagandahan lang siguro, mas epektibo ang paghihigpit ng mga pulis natin sa mga awtoridad sa kabilang bansa kaya masasabing kontrolado pa natin ang sitwasyon. Pero ang malaking tanong, hanggang kailan kaya? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!