Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard sa Romblon ang nakitang ‘oil spill’ sa dalampasigan sa mga bayan ng San Andres, Odiongan, at Ferrol.
Ayon kay PO3 Reyjan Jamis ng PCG-Marine Environmental Protection Command, isinumbong sa kanila ng Department of Environment and Natural Resources na may mga bakas ng oil spill na nakita sa Barangay Agpudlos sa San Andres, Romblon, dahilan upang magsagawa sila ng imbestigasyon.
“Sinabi kasi sa atin ng mga locals doon sa San Andres na mahigit pitong araw na po nilang nakikita ‘yung mga debris ng langis, kaya mataas ang posibilidad na noong nakaraang linggo pa nangyari ang oil spill,” ayon kay Jamis.
“Mahihirapan na rin tayong ma-trace kung saang barko galing ‘yung langis dahil mahigit isang linggo na ang nakalipas bago naireport ang insidente,” dagdag ni Jamis.
Paliwanag ng coast guard, maari nilang ma-trace ito kung wala pang 24 Oras ay nakita na agad ang tumagas na langis.
Nakipag-ugnayan na rin ang Philippine Coast Guard at Department of Environment and Natural Resources sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong bayan para makipagtulungang malinis ang mga bakas ng langis.