Nagkaloob ng aabot sa 500 piraso ng mosquito nets ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa probinsya ng Romblon bilang tulong sa laban ng probinsya kontra dengue virus.
Pinangunahan ang turn-over ceremony nitong Martes ng umaga ni James Bondoc, PAGCOR’s Vice President for Social Responsibility Group, at tinanggap naman ni Romblon Governor Jose Riano kasama sina Atty. Rachel Bañares, Sangguniang Panlalawigan member, at si Atty. Lizette Mortel, Romblon Provincial Administrator.
Ayon kay Governor Jose Riano, ang mga nasabing kulambo na ipinagkaloob ng PAGCOR ay malaking tulong para makaiwas sa kagat ng lamok lalo na sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog o doon sa mga lugar na mataas ang bilang ng tinamaan ng dengue. Maalala umanong nauna ng binigyan ng PAGCOR ang Maynila ng aabot sa 1,000 kulambo bilang tulong rin sa programa ng lungsod kontra dengue.
Maliban sa kulambo, nagbigay rin ang PAGCOR ng walong (8) desktop computer at limang (5) LED TV para sa Agnipa National High School sa bayan ng Romblon, Romblon.