Nasa ikalawang araw na ngayon ang libreng pakapon o surgical sterilization para sa mga alagang aso at pusa sa bayan ng Odiongan, Romblon hatid ng Department of Agriculture – Regional Field Office MIMAROPA.
Ayon kay Panlalawigang Beterinaryo ng Romblon na si Dr. Paul M. Miñano, aabot na sa halos 100 na mga alagang aso at pusa ang kanilang naserbisyohan ng libreng pakapon para sa mga lalaki at libreng pag-ligate para sa mga babae.
Sinabi rin ni Dr. Miñano na malaking tulong ito sa pagbagal ng pagdami ng bilang ng mga aso at pusa sa probinsya.
“Malaking tulong itong pagpapakapon lalo na sa mga aso kasi dito sa atin napakarami ng aso lalo na sa Odiongan, hindi naman problema ang rabies sa atin ngunit itong mga aso nakakalat lang minsan sa kalsada at nakakadisgrasya ng mga motorcycle riders,” ayon sa pahayag ni Dr. Miñano sa PIA-Romblon.
Aniya, ang pagkakapon ay isang karaniwang operasyon na kung saan ang bayag ng lalake at obaryo ng babae ay tinatanggal.
Ginagawa ito ng isang lisensiyadong beterinaryo habang ang hayop ay tahimik at nasa ilalim ng pangkalahatang kawalan ng pakiramdam.
Katuwang sa aktibidad na ito ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon ang mga beterinaryo mula sa iba’t ibang probinsya sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na kalahok sa 3rd MIMAROPA Regional Rabies Summit na isinasagawa sa bayan ng Odiongan, Romblon mula Ika-9 hanggang Ika-13 ng Setyembre.
Maliban sa libreng pakapon, nagtuturok rin ng libreng anti-rabies vaccine ang mga beterinaryo kasabay na ang libreng pagsusuri sa mga alagang aso at pusang may mga sakit.
Ang libreng pagpapakapon sa Odiongan ay magtatagal hanggang Miyerkules at lilipat ng bayan ng Ferrol sa Huwebes at sa Biyernes naman ay sa bayan ng San Andres.