Naaresto kagabi ng mga tauhan ng Romblon Police Provincial Office at Santa Fe Municipal Police Staion ang lalaking wanted ng mahigit 3 taon dahil sa kasong rape at paglabag sa RA 7610 o ang Anti Child Abuse Law.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Horito Ursua, 45 anyos, residente ng Oriental Mindoro at ngayoy pansamantalang naninirahan sa bayan ng Santa Fe.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant Allan Fruelda, ang suspek ay nakita ng mga residente na bumalik ng Santa Fe nitong mga nakalipas na linggo kaya agad silang nagkasa ng operasyon para sa ikaaresto ng suspek sa bisa ng isang warrant of arrest na nilabas ng Regional Trial Court Branch 82 noong April 2016.
Ang suspek ang itinuturing salarin sa pangagahasa sa isa sa kanyang mga kamag-anak na babae noong taong 2015.
Dinala na siya sa Santa Fe Municipal Police Station kung saan siya pansamantalang nakapiit.
Walang piyansa ang kasong rape ng suspek habang P80,000 naman ang piyansa sa kasong paglag umano nito sa Anti Child Abuse Law.