Matagumpay na ginanap sa bayan ng Odiongan ang 3rd Mimaropa Regional Rabies Summit noong Setyembre 9-13 na inorganisa ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office Mimaropa.
Sinimulan ang summit sa pamamagitan ng isang motorcade paikot sa bayan ng Odiongan na dinaluhan ng mga beterinaryo at mga bisita mula sa mga probinsya ng Marinduque, Oriental at Occidental Mindoro, at Palawan.
Sa highlight ng pagtitipon, ginanap sa ikatlong araw ng summit ang isang pantas-aral o seminar na inorganisa ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office Mimaropa. Dinaluhan ito ng ilang barangay at local government officials, at mga kawani ng iba’t ibang Municipal Agriculture’s Office sa probinsya ng Romblon.
Sa nasabing pantas-aral, Ibinahagi ni Dr. Josue M. Victoria, Panlalawigang Beterinaryo ng Marinduque, ang ilan nilang pamamaraan na ginagawa sa probinsya ng Marinduque para maabot at mapanatili ang kanilang ‘Rabies Free Province’ na estado.
Ayon kay Dr. Victoria, ang pinakamabigat nilang ginawa ay ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng Anti-Rabies Act of 2007 o ang Republic Act 9482.
Dapat aniyang malaman ng mga opisyal ng gobyerno na ang RA 9482 ay nagsasabing dapat pagmultahin ang mga may-ari ng aso na papabayaan lang ang kanilang mga alaga na pagala-gala sa labas ng kanilang compound.
Nagbahagi naman si Dr. Daphne Jorca, Alternate National Rabies Focal Person ng Bureau of Animal Industry, ng kasalukuyang lagay ng mga rehiyon ng Mimaropa sa posibilidad na pagdideklara ritong unang Rabies-free na rehiyon sa buong Pilipinas.
Aniya, target ng Bureau of Animal Industry na makamit ng lahat ng probinsya sa Mimaropa na makamit ang ‘Rabies Free’ na estado pagdating ng taong 2025.
Nagsalita rin sa nasabing pagtitipon sina Syrna Flor Erpilua, MLGOO ng bayan ng Odiongan, at si Dr. Jobin Maestro, Municipal Health Officer ng bayan ng Alcantara.
Maliban sa pantas-aral, nagkaroon rin ng libreng pakapon o surgical sterilization para sa mga alagang aso at pusa sa mga bayan ng Odiongan, Ferrol, at San Andres ang mga tauhan ng Department of Agriculture – Regional Field Office Mimaropa. Nagkaroon rin ng Quiz Bee at Poster Making contest noong September 10.
Samantala, sabay-sabay namang pumirma ang mga dumalo sa 3rd Mimaropa Regional Rabies Summit sa isang commitment wall bilang pagpapakita ng suporta sa hangarin ng rehiyon na makamit ang Rabies Free Region bago ang taong 2025.