Posibleng haze o usok na mula sa isang forest fire sa Sibangau National Park, Indonesia ang nakikita sa mga kabundukan ng Tablas at Romblon Island sa Romblon nitong mga nakaraang araw.
Bandang alas-3 ng hapon ng makunan ng litrato ni Harold Catajay ang pinaghihinalaang haze sa bayan ng Romblon, Romblon, aniya, buong araw itong tanaw mula sa bayan.
Samantala, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources sa Romblon na hindi nila makukumpirma kung naabot na tayo ng usok mula sa Indonesia dahil wala umanong sapat na gamit ang DENR sa probinsya para masukat ang suspended particles at air quality sa lalawigan.
Una ng nakita ang haze sa Tawi-Tawi at sa Palawan noong Biyernes.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, hindi nila matukoy kung hanggang saan aabot ang Haze dahil tinutulak ito ng Southwest Moonson o Habagat patungo sa Pilipinas.
Sinabi ni PAGASA’s weather forecaster Ezra Bulquerin na makakasama sa katawan kung sakaling malanghap ng publiko ang haze dahil maaring kontaminado ito.
“Yung air pollutants, nag-cause siya ng smog or haze. Toxins na po yun na pwedeng ma-breathe ng tao. Harmful siya sa katawan,” ayon kay Bulquerin.
Pinag-iingat rin ang mga mangingisda sa posibleng epekto ng haze sa kanilang line of sight.
“Mas binibigyan natin ng babala ay itong ating mangingisda kasi, lalo na kapag gabi, bababa talaga ang horizontal visibility,” ayon naman kay PAGASA-Puerto Princesa Chief Meteorological Officer Sonny Pajarilla.