Sinimulan na nitong Biyernes ng Environmental Management Bureau (EMB) – MIMAROPA na bantayan ang air quality sa rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) kasunod ng ulat ng pagpasok ng haze mula Indonesia patungong Pilipinas.
Ayon sa EMB-MIMAROPA, nagpadala na sila ng gamit sa Puerto Princesa City, Palawan para malaman kung haze ba talaga mula Indonesia ang nakikita sa kanilang lugar simula pa noong September 17.
Sinabi rin ng EMB-MIMAROPA ng makausap ng Romblon News Network nitong Biyernes na sinusuri na nila ang datus ng kanilang mga manual monitoring device sa mga bayan ng Bansud, Naujan at Calapan City sa Oriental Mindoro. Nagsasagawa na rin umano sila ng daily sampling sa air quality sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, wala naman umanong monitoring device ang ahensya sa Romblon at Marinduque para masuri ang air quality sa mga nabanggit na lalawigan ngunit posible umanong maabot ang mga probinsya sa MIMAROPA ng haze dipende sa galaw ng hanging Habagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, apektado ng Hanging habagat ang Southern Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Maglalabas umano ang EMB-MIMAROPA sa mga susunod na mga araw ng opisyal na pahayag at resulta ng isinagawa nilang test sa mga nabanggit na stations. Sa ngayon, tanging sa Palawan muna naglabas ng paalala ang EMB-MIMAROPA para sa mga may karamdaman na iwasan muna ang mga outdoor activities para sa kanilang kaligtasan.
Base sa real time station kasi nila sa Palawan State University, umabot ng 92mg/m3 ang 24 hour average ng PM2.5 noong September 17 sa kanilang lugar, mas mataas sa safe ambient air quality guidelines na 50mg/m3.