Wagi ang Banton National High School sa katatapos lang na DTI-Provincial Consumer Quiz Bee 2019 nitong Huwebes, Setyembre 19, sa Romblon State University sa bayan ng Odiongan.
Matapos na maglaban-laban ang 34 na kalahok mula sa iba’t ibang mataas na paaralan sa buong lalawigan, itinanghal na kampeon si Shulammite Faigao, Grade 9 student ng Banton National High School, na tumawid pa ng dagat para lang makasali sa kompetisyon.
Sa elimination round palang ay nagpakitang gilas na si Faigao para makalusot siya kasama ang anim na iba pa sa final round. Mahigpit na nakalaban ni Faigao sa kampeonato si Janiale Panopio ng Mabini National High School, na itinanghal namang first runner up. Second runner up naman sa kompetisyon si Angela Mikaela Sabigan ng Looc National High School.
Sa panayam ng PIA-Romblon sa coach ni Faigao na si Maria Eloisa Fetalvero, sinabi nitong Hunyo palang ay naghahanda na sila sa kanilang paaralan para sa Provincial Consumer Quiz Bee ng DTI.
“Alam kasi namin na may Provincial Consumer Quiz Bee ngayong taon kaya June palang ay pinili ko na si Shulammite para sanayin sa mga posibleng itatanong sa kompetisyon. Tatlong taon na kaming sumasali sa Consumer Quiz Bee at lagi kaming hindi nanalo, pero ngayong bago ‘yung isinalang namin, hindi namin akalain na makukuha namin ‘yung kampeonato,” ayon kay Fetalvero.
Samantala, hindi naman umano inasahan ni Faigao na aangat siya sa ibang manlalaro dahil unang bese niya umanong lumaban at marami pa umanong magagaling mula sa iba pang paaralan na sumali sa kompetisyon.
“Hindi ko akalain na ako ‘yung winner kasi nga hindi kami masyado nagre-review sa school, pag dumadating lang si Ma’am [Coach Fetalvero], tapos madami pang sumali na school pero nanalo ako,” ayon kay Faigao.
Ang katatapos lang na Provincial Consumer Quiz Bee 2019 na may temang “Sustainable Consumption: Understanding the Impact of Consumer’s Choices in a Shared Environment” ay inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa pakikipagtulungan ng Department of Education sa Romblon.
Ayon kay DTI-Romblon Provincial Director Noel Dr. Flores, isa ang nasabing kompetisyon sa mga paraan ng ahensya para maipalaganap ang impormasyon kaugnay sa mga karapatan ng mga consumers at iba pang may kaugnayan sa ekonomiya at kalakalan.
Si Shulammite Faigao ang ilalaban ng probinsya ng Romblon sa gaganaping DTI-Regional Consumer Quiz Bee sa Manila sa susunod na buwan, bilang bahagi naman ng pagdiriwang ng 2019 Consumer Welfare Month. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)